Pasatiyempo
Ito'y aking kinuha galing sa aking lumang blog sa Friendster, at sa tuwing aking binabasa ang aking mga isinulat doon, gusto ko siyang sunugin. Pero tulad ng utot, hindi mo ito puwedeng ipagkaila dahil malakas ang amoy at nangyari na. At dito ko rin nakikita kung paano ako naging tanga sa harap ng aking pagmamahal noon para kay Generosa Amor.
Pasatiyempo
Hinahanap-hanap ko ang salitang ito kagabi sa 'di malamang dahilan. Hindi makapag-pahinga ang isipan ko hangga't 'di natutumbok ang salitang iyon. Talagang nag-iisip ako tungkol sa maraming bagay bago matulog pero, ngayong gabi, kakaiba, magugulong damdamin ang gasolina. pa... pasa....... ayun natubok rin! Pasatiyempo! Na ang ibig sabihin ay libangan o pampalipas oras. Para sa akin tulad ng PS2, DotA, Internet, gitara. Natanong ko tuloy sa sarili ko, ang tao kaya? Puwede maging pasatiyempo?
Alam ko ang sagot sa mga isip ninyo. Oo. Kaya ang ibig ninyo sabihin puwede paglaruan ang tao, hanggang sa magsawa ang naglalaro at sabay isasaisantabi ang kawawang nilalang sa isang maalikabok na sulok, kukunin na lang uli pag kailangan, o wala na ibang mapaglaruan. Mga malulupit. Mga walang puso. O nagbubulag-bulagan sa nararamdaman ng iba. Yan ang mga mahilig gawing pasatiyempo ang kapwa niya tao, mas nakalulungkot, minsan kaibigan, kahit pamilya ang gingawang mangmang ng mga mapagsamantala.
May kasabihan, walang pagsasamantalahan kung walang magpapsamantala. Pero matitigas ang ulo ng tao. Patuloy ang pang-uuto at hindi talaga mawala ang nagpapa-uto. Pero bakit? Hula ko ang hindi maipaliwanag na damdamin ng tao ang siyang susi. At maraming iba pang bagay na hindi maikakalkula.
Bakit ko isinulat ang ganitong sanaysay? Tulad ng sinabi ko kanina mga magugulo at hindi maipaliwanag damdamin ang nagtutulak sa akin...
...at saka wala akong magawa
...at saka gusto ko manggising sa mga nang-uuto at nagpapa-uto jan
...at kung tatanungin ninyo sa akin
...Na-uto ka na ba? Pinaglaruan ka na ba? Boy Pasa(tiyempo) ka ba?
...ang isasagot ko, 'OO'
Lahat tayo dumaan, at daraanan yan at merong isang bagay na kailanma'y hindi mawawala kung bakit ako, ikaw, at tayong lahat ay mga biktima...
...dahil mahal natin sila.
Quote for the day: "The window burns to light the way back home." ~ Metallica - Hero of the Day